Gawa, hindi lang pagkilala

Pioneer Publication
4 min readMay 1, 2024

--

By Rhey Flores | posted 01/05/24

Napapanahon ang pagselebra ng Araw ng mga Manggagawa ngayong taon. Nataon kasi ito kung kailan “magwawakas ang pagiging hari” ng mga jeepney sa kalsada at isyu sa pasahod sa mga manggagawa sa gitna ng pagtaas ng bilihin at mga hindi maipaliwanag na pangyayari sa ating pamumuhay.

Ngayong Araw ng mga Manggagawa, ipinagdidiriwang natin ang kontribusyon ng mga manggagawa sa pag-asenso ng ating lipunan. Sa temang “Sa Bagong Pilipinas: Manggagawang Pilipino, Kabalikat at Kasama sa Pag-asenso,” pinahahalagahan nito ang bawat miyembro ng tinatawag na “working class.”

Pero, isang tanong ang bumabangon: hanggang sa salita at pagsaludo lang ba ang kaya nating maibigay sa mga manggagawa?

Ang manggagawa ang gumawa at nagtaguyod ng ating lipunan. Hindi lang sa pagsaludo natatapos ang lahat. Dapat ding isinasaalang-alang ang kanilang karapatan. (Lay-out ni Wenalyn Austria; resources from https://pngtree.com)

Minimum wage, hindi sapat sa pamilyang Pilipino: IBON

Kasabay ng dahan-dahan at unti-unting pagtaas ng daily minimum wage ay ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang mga pangangailangan.

Base sa infographics na inilabas ng economic think tank na IBON Foundation nitong Abril 10, malaki ang agwat ng sahod na kinikita ng isang manggagawa sa isang araw kontra sa karaniwang ginagastos ng pamilya nito bawat araw. Ibig sabihin, hindi nasasapatan ng minimum wage ng isang manggagawa bawat araw ang pang-araw-araw na gastusin ng pamilya.

Halimbawa, sa MIMAROPA lamang, hindi sapat ang PHP 395 na “daily nominal minimum wage rate” sa ginagastos ng pamilya, kung may limang miyembro, na nagkakahalaga ng PHP 1,213. Dahil dito, mayroong “wage gap,” o kulang na PHP 818, na makatatapal pa sana sa mga gastusin. Isa pa, malaki rin ang gampanin ng “inflation” sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, na nagiging sanhi ng paglaki ng agwat.

Larawan ng malaking agwat ng minimum wage sa karaniwang ginagastos ng pamilya. (IBON Foundation)

Nitong Marso, nakapagtala ang nasabing rehiyon ng pagtaas ng inflation rate na 3.9% dahil sa pagtaas ng halaga ng mga pangunahing pangangailangang tulad ng pagkain at non-alcoholic beverages. Mayroon ding kontribusyon sa pagtaas ang mga utilities tulad ng kuryente, tubig, at iba pa.

Mahalagang pag-usapan ang tungkol sa inflation rate at iba pang aspeto nito sa ating pamumuhay dahil nakaaapekto ito sa ating paraan ng pamimili lalo na’t bumababa ang halaga ng piso.

Pero nitong Pebrero, mayroong panukala ang Senado na dagdag na P100 sa minimum wage ng mga manggagawa, na “makatutulong pa sa marami.” Dagdag pa ng direktor ng IBON Foundation na si Sonny Africa, walang rason para hindi ibigay ang nararapat na minimum wage hike.

Ngayong araw lang, ipinag-utos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jnr ang pag-analisa sa pagtaas ng minimum wage sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Jeepney, hari pa rin ng kalsada

Sa gitna ng pagkawala ng mga tradisyunal na jeepney sa lansangan dahil sa ipinaguutos na konsolidasyon o pag-buo ng kooperatiba ngayong Mayo Uno, hindi pa rin nito maikakaila na sa kanila pa rin ang korona.

Maliban sa nakaaapak sa pamumuhay ng mga jeepney drivers, kapalit din nito ang bulsa nila at ang kanilang oras. Kumpara sa tradisyonal na jeepney, mas mahal ang “modernized jeepneys” na kadalasan, gawa sa Tsina ang mga ito. Nagkakahalaga pa ito ng tumataginting na PHP 1.6–2.4 milyon ang bawat yunit ng mga jeepney, at nangangailangan ito ng PHP 6,000–7,000 bawat araw para lang mabayaran ito. Dahil dito, pinangangambahang tumaas ang base fare ng P30–40, ayon sa isang kongresista.

Sa Palawan naman, nitong nakaraang taon, marami rin ang umaalma sa programang modernisasyon ng jeepney.

Sa pagiging moderno ng Pilipinas sa larangan ng transportasyon, kapalit naman nito ang pagsasakripisyo ng mga jeepney drivers, at ang bulsa at pitaka ng mga mamamayan.

Kung ibabalik natin ang tanong na “…hanggang sa salita at pagsaludo lang ba ang kaya nating maibigay sa mga manggagawa?,” ang tanging sagot: hindi dapat.

Sa gawa makikita ang magiging tugon ng gobyerno sa mga pasaning kinakarga araw-araw ng mga proletaryo, hindi sa pagsaludo lamang sa kanila ngayong Mayo Uno. Nararapat lang na gawin ng gobyerno ang pagsaalang-alang ng panig ng mga karaniwang mga manggagawa, tulad ng pagtaas ng sahod at pagkontrol sa presyo ng mga bilihin, pati na ang sa mga jeepney driver, sa pagkamit ng mga mithiin nito.

BASAHIN DIN ITO: https://bit.ly/3TlfQr1

The views and opinions of the author do not reflect the views and opinions of the Editorial Board and staff writers.

Comments are welcome by sending them through a direct message to our Facebook page.

--

--

Pioneer Publication
Pioneer Publication

No responses yet