AGHAM AT BULAKLAK; a flower journal.

Pioneer Publication
4 min readSep 29, 2024

--

Istorya ni Albert Calalin | ipinaskil nitong 29/09/2024

Mayad pa ang burak indi mapabayan

ang kabue samuro maamot,

sa kabue kabay ang tao

tuladato ra?

Matagal na panahon na rin ang lumipas. Puti na ang buhok, kumikirot na ang tuhod at mabagal na ring maglakad, ngunit kompleto pa rin ang mga gamit na dala-dala papuntang herbarium tulad na lamang ng mga papeles papuntang klase.

Sa kabila ng mga nararamdaman ay hindi mo makikitaan ng pagod at pagsuko ang kaniyang mga kilos. Minsan na rin siyang nagbigay ng parangal sa buong Palawan nang siya ay hindi pa nakikitaan ng ganitong mga hamon. Siya si Ma’am Elizabeth P. Gironella — isang propesor, mananaliksik, at ina.

Si Ma’am Elizabeth Gironella. Hawak niya ay ang plake ng gantimpala galing sa “5th Gawad Ulirang Ina.”

Ang kanyang buhay bilang isang ina ay nagkaroon din ng sariling salaysay — isang makabuluhang kwento ng pagiging ilaw ng tahanan. Nagkaroon siya ng apat na anak, sina Barbara, Robert, Elizabeth at Fatima Gironella, na may kanya-kanya naring buhay.

Kasabay naman ng pagdiriwang ng Buwan ng Agham ay binibigyang parangal ang mga nagbigay kontribusyon sa larangan ng agham at teknolohiya. Dahil sa mga gawa at kontribusyon ni Ma’am Elizabeth sa agham ay bibigyang pagpupugay ang tulad niyang naging parte ng pag-unlad at pagsibol ng pananaliksik.

Siya lamang ang nag-iisang botanist ng Palawan na kasalukuyang nakatira sa lungsod ng Puerto Princesa. Siya ay kasalukuyang nagtuturo sa Palawan State University. Umaga pa lang ay nakikipagbuno na siya sa napakaraming stress dulot ng pagtuturo — hindi niya alintana ang samu’t saring ingay sa unibersidad, maging sa loob ng mga silid-aralan nito.

Hinarap niya ang mabigat na trabahong binabalakid ng mga guro. Nagtuturo siya sa unibersidad ng asignaturang agham, gaya ng Botany, Science and Technology Studies o STS at iba pa. Nakatuon siya sa akademikong aspeto ng pagtuturo sa mga mag-aaral. Sa kasalukuyan, siya ay patuloy na nagbabahagi ng kanyang kaalaman sa kanyang mga estudyante at mga nais matuto.

Ngayong nagdiriwang ng Buwan ng mga Guro ay mas naging mayabong at makulay gaya ng bulaklak ang pagtuturo ni Ma’am Elizabeth sa Palawan SU. Hindi siya nawalan ng dahilan upang ipagpatuloy ang nasimulang layunin.

Sa kabilang banda, ang kaniyang buhay ay halos nakadikit na sa pagiging mananaliksik. Mula sa isang karaniwang guro hangggang sa pagsibol ng kaniyang pangalan sa larangan ng pagsusuri at agham.

Taong 2014 nang mailimbag niya kasama ang mga kapwa mananaliksik mula sa Unibersidad ng Pilipinas ang halamang ipinangalan sa kanya, ang Begonia gironellae. Kasama pa riyan, ay marami pang natuklasan at napag-aralan si Ma’am Elizabeth. Kabilang dito ang Nepenthes attenboroughii na nakakuha ng parangal mula sa Arizona University, USA taong 2010; maging ang N. gantungensis, N. leonardoi, at N. palawanensis, ito ay mga uri ng bulaklak na pitcher plant, at ang mga orchids na Stigmatodactylus aquamarinus, S. palawanicum, Drosera ultramafica at marami pang iba.

Ilan sa mga natuklasan at pinag-aralang mga halaman ni Ma’am Elizabeth.

Kasabay ng pagbabago ng sistema at teknolohiya ay di natakpan at nakalimutan ang mga gawa at parangal ni Ma’am Elizabeth, bagkus ay mas naging daan ito sa pagkilala at pagpapalaganap ng mga gawa niya.

“Sa ngayon kasi walang offering ng botany kahit saan, yung botany kasi kagaya ko as botanist ay retired na at less nalang ang mga botanist at kahit sa ibang bansa ay wala na. Karamihan na mga botanist na kagaya ko ay di na nakabalik, nakatrabaho o in-field”, saad niya ukol sa kakulangan ng mga tumatahak ng botany.

“Kung pwede lang mag-aral [ka] nang husto, kasi ang focus natin [ay] kumakain tayo. Halaman din yun, [bago] di man lang natin nasosolusyanan para dumami ang halaman. Kaysa sinisira ang halaman at tinatanggalan ng diversity, at ‘pag nawala ‘yan wala na rin lahat. Dahil ang halaman ‘yan ay producer kung ‘di sa halaman wala nang ibang organisms ang mabubuhay, kaya kung pwede lang sa mga kabataan ay mag-pursue ng kanilang courses [na] pertaining o merong subject na botany o tungkol sa halaman,” dagdag pa niyang payo sa mga estudyante ngayong Science Month.

Sana sa buhay ay huwag nating limutin ang mga taong minsang ipinagmalaki natin. Ang mga nagbigay daan sa mga mag-aaral at indibidwal na mas mahalin pa ang agham at panaliksik. Lahat ay nakararanas ng pagbabago sa paglipas ng panahon at naluluma, ngunit hindi ibig sabihin nito na nawawalan na ng kabuluhan. Gaya ng pag-aaral sa halaman, kailangan lamang tuklasin at pagandahing muli upang yumabong.

Kagaya ng hiwaga ng ating saribuhay ay naging kakaiba at makabuluhan ang bawat yugto ng buhay ni Ma’am Elizabeth. Nagkaroon ng masayang pamilya, mula sa pagiging isang simpleng mag-aaral, lumaki siya at kalaunan ay naging propesyunal. Mas dinagdagan ang mga karangalan na nakuha, naging kilala sa buong larangan ng agham. Nag-ambag sa pagpapalawak at nilalaman ng pananaliksik — at patuloy pa ring nagbibigay inspirasyon sa loob ng silid-aralan.

--

--

Pioneer Publication
Pioneer Publication

No responses yet